Monday, June 16, 2008

Sa Mga Anak Ko....


Kung sakaling mawala akong bigla at hindi ko masabi sa inyo ang mga sumusunod;

Mga anak, sa maniwala kayo o hindi, kayo (kasama si MAMI syempre...) ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko.

Magmahalan kayo bilang magkakapatid, at huwag ninyong gawing telenobela ang buhay ninyo dahil sa mga walang kakwenta-kwentang bagay.

Mahalin nyo ang MAMI. Wala siyang ibang iniisip kundi kapakanan nyo. Kung paluin man nya kayo o sigawan, ito ay dahil may nagawa kayong hindi sang-ayon sa prinsipyo nya. Itanong nyo kung bakit nya kayo pinapagalitan. Kung mali naman talaga, eh huwag nyo nang uulitin.

Piliin ninyong mabuti ang nga kaibigan nyo. Huwag sumali sa barkada na may iisang "stereotype" o klase. Huwag sumali sa barkada na puro jologs, puro nerd, puro bakla, puro manginginom, o puro magulo. Siguraduhin ninyong makikita nyo ang lahat ng klase ng tao sa barkada nyo. Mas marami kayong matututunan sa kanila kesa TV o sa bahay natin. Marami silang maituturo sa sa inyo na hindi namin kaya, o hindi "appropriate" na kami ng MAMI nyo ang magturo.

Maging fluent kayo sa written and spoken English. Pag-aralan ninyong mabuti ang subject - verb agreement. Huwag kayong matakot mag consult sa dictionary o thesaurus kapag meron kayong hindi naiintindihan. Kasi mga anak, darating ang araw, makakaapak kayo sa ibang bansa, at sigurado akong marami kayong makakausap na hindi makakaintindi ng Tagalog. Kahit saang sulok ng mundo, makakahanap kayo ng nagsasalita ng English.

Gawin nyo ang lahat para matuto kayong mag-gitara o gumamit ng kahit anong musical instrument. Pag-aralan nyo ding kumanta ng nasa tono. Kahit saan mo kasi dalhin ang gitara, maaaliw ka. Isipin nyo yung mga bulag. Hindi sila nakakapag-Playstation o PSP. Hindi sila nakakapag-internet o Wii. Hindi sila nanonood ng TV, at hindi sila nakakapag-enjoy sa mall. Pero bigyan mo sila ng gitara o pakantahin mo, matutuwa sila. May kuryente man o wala, mapapasaya ka ng gitara.

Makinig kayo sa mga kanta ng Beatles. Kapag naging aware kayo sa pag-develop ng musical style ng Beatles, kahit anong genre kaya nyong i-appreciate. Sa kanila kayo matutong magsulat ng poetry, at sa kanila nyo rin matututunan kung paano lagyan ng music ang poetry na ito. Saan kayo nakakakita ng banda na lampas 30 years nang naghiwalay, patay na ang ilan sa mga miyembro, pero sikat at ginagaya pa rin? Beatles lang ang nakakagawa nun, mga anak.

Pag dating nyo ng college, huwag nyong kakalimutang subukan lahat ng kalokohan sa mundo. Bakit college? Kasi kung high school kayo magiging sira ulo, baka mawalan kayo ng options sa college. Baka sa walang kwentang "money-centric" computer institute kayo bumagsak. Mag-aral kayo ng mabuti sa elementary at high school. Dapat makapasok kayo sa Ateneo, UP, La Salle, UST o Mapua. Dapat maganda at interesado kayo sa course na kukunn nyo. Sa college, balansehin nyo ang academics at kalokohan. Gumimik kayo pero pasukan nyo lahat ng klase kinabukasan. Huwag magpakalasing kung wala kayong siguradong uuwian at kung walang aalalay sa inyo pag sumuka na kayo. Wag maadik sa droga. Sumubok kayong mag-marijuana pero subok lang. Kung dadating ang panahong hindi nyo na mapigilang makipag-sex, siguraduhin nyo lang na gaganda ang lahi natin kung sakaling mabuntis o maka-buntis kayo. Practice safe sex. Wag nyong kakalimutang i-survey ang lugar/room kung may (hidden) camera o wala. Kawawa naman ang MAMI nyo kung malaman niyang may "scandal" kayo.

Huwag nyong gawing trial and error ang pagkakaroon ng girlfriend o boyfriend. Alamin nyo muna kung ano ang kaya nyong ibigay sa isang relationship, at kapag nalaman nyo na, doon kayo maghanap ng isang babaeng/lalaking magiging masaya sa mga maibibigay nyo. Pakinggan nyong mabuti ang mga kwento ng girlfriend/boyfriend nyo. Alamin nyo kung ano ang mga gusto at mga ayaw nya. Huwag nyong sisigawan. Dahil ang isang tao (especialy ang babae),kapag pinakinggan nyo siya at alam niyang nirerespeto mo siya, mamahalin ka nun habambuhay. At higit sa lahat,huwag kalimutang gawing inspirasyon ang inyong lovelife.

Pagka-graduate nyo, iwanan nyo na ang mga araw na umaasa pa kayo sa ibang tao para mabuhay. Matuto kayong mag-ipon. Alamin nyo kung tama yung kinakaltas sa sweldo nyo o yung tax na binabayaran ng negosyo nyo. Pinaghirapan nyo yang pera na yan. Huwag nyong hayaang kunin na lang ng kung sino-sino. Bago kayo gumastos, lagi nyong itanong sa sarili kung ang bibilhin ay isang NEED o WANT, ito ba ay ASSET o LIABILITY. Huwag kalimutang mag bigay ng "portion" kay Lord at sa mga taong nangangailangan ng tulong.

Sana maging accountable kayo sa lahat ng ginagawa at gagawin nyo. Hindi parating maganda ang sitwasyon dito sa mundo. Pero sana sa paglaki nyo, huwag nyong sisisihin ang mga pangyayaring naganap sa inyo kaya kayo ay magrerebelde o malulugar sa masamang landas. Ang buhay nyo ngayon ay dahil sa desisyon namin ng MAMI na mabuhay kayo. Pero tandaan nyo ito...lahat ng mangyayari sa buhay nyo ay dahil sa mga desisyon nyo. Tandaan nyo na walang taong gustong gumawa ng maling desisyon sa buhay...kaya kung nagbago ang kondisyon o kalagayan sa buhay...dapat baguhin rin ang desisyon. Kailangang matuto kayong mag-adapt sa mga nangyayari sa ating kapaligiran para hindi maging obsolete (walang kwenta) o extinct na kagaya ng mga dinosaurs.

Mga anak, marami pa akong gustong sabihin sa inyo. Pero kung meron akong kaisa-isang advice na maibibigay, eto ang pinakamahalaga:

LEARN.

Huwag kayong matakot matuto. Matuto kayo sa Discovery at National Geographic channels. Matuto kayo sa library. Matuto kayo sa internet. Matuto kayo sa news. Matuto kayo sa Bible, Koran at teachings ni Buddha at Confucious.

Matuto kayo sa mga pagkakamali namin ng MAMI nyo. Matuto kayo sa mga kaibigan nyo.

Matuto kayo sa mga pagkakamali nyo at ng ibang tao.

...at higit sa lahat, matuto kayong huwag sayangin ang buhay na binigay sa inyo ni Lord...dahil ang simula at dulo ng lahat ay ang Diyos.

lovelots,
-dadi-
19 April 2007
revised and posted on BLOG 15 June 2008